There was an error in this gadget

Monday, February 22, 2010

halalan 2010: Handa na ba ako?

Iba’t-ibang Pakulo ng Halalan

Jesson L. Obra

Mga mahal kong kababayan / Sa panahon ng aking panunungkulan / Katakut-takot na kurakot ang inyong maaasahan / Paliliguan ko kayo ng sandamakmak na kasinungalingan / At sa lahat ng sa akin ay bumoto / Ano kayo, hilo? ako muna bago kayo!

-Wala, Kamikazee

Nagkalat ang mga flyers sa daan. Namumuti ang paligid dahil sa mga poster na nakapaskil kung saan-saan. Kaliwa’t kanan ang mga namumudmod ng mga t-shirts na may larawan ng mga mukhang kadalasang nakangiti. Walang duda, panahon na ng eleksyon.

Sa Pilipinas, binibigyan ng panahon ang mga kandidato upang makuha ang simpatya ng mga botante. Opisyal na nag-uumpisa ang panahong ito na kung tawagin ay pangangampanya tuwing buwan ng Enero o Pebrero. Gumagamit ng iba’t-ibang teknik ang mga pulitiko upang matamasa ang inaasam na posisyon sa pamahalaan. Ang ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod:

Motto

Noynoy: Hindi ako magnanakaw.

Gibo: Hindi rin ako magnanakaw.

Villar: Hindi na ako magnanakaw.

Gloria: Wala na kayong manakaw.

Nasusubok ang malikhaing pag-iisip ng mga kandidato pagdating sa paggawa ng motto. Karaniwang maganda sa pandinig at maikli lamang ang mga ito upang madaling tumatak sa isip ng masa. Epektibo itong paraan dahil sa pamamagitan nito ay naipapakita ng kandidato ang kanilang kababaang loob at pakikisama sa tao.

Alyas

Iboto: Gabby ‘Pogi’ Pogada.

Gumagamit ng alyas ang mga kandidato upang maging kilala ang pangalan nila sa madla. Karaniwang pamilyar at tunog Pinoy ang mga ito upang madaling matandaan ng mga tao. Minsan ay nilalagyan din ito ng kaunting komedya upang maging kaaya-aya sa pandinig.

Paskil

Hindi nila pinapatawad ang bawat sulok na maaaring pagpaskilan ng mga poster at tarpaulin. Isa ang paraang ito sa pinakamadalas gamitin ng mga nangangampanya dahil maliban sa epektibo itong pampukaw ng interes ng mga tao ay kaunting badyet lang ang kinakailangan kung ikukumpara sa iba pang paraan.

Ang mga nakasulat sa mga poster at tarpaulin ay karaniwang pagbati ng mga kandidato sa madla kung may okasyon.

“Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon!”

-pagbati mula kay Kongresman Tukmol

Jingle

Nakaligo ka na ba sa dagat ng basura?/ Nagpasko ka na ba sa gitna ng kalsada?/ ‘Yan ang tanong namin, tunay ka bang iba sa’min?/

Mahilig sa musika ang mga Pinoy kaya masasabing isa rin ito sa mga mabisang instrumento sa pagkuha ng interes nila. Ginagawan ng awit ang mga pulitiko at nilalapatan ng musika. Madalas lagyan ng saliw ng mga uso at sikat na kanta ang mga ito upang mas madaling makapukaw ng pansin.

Patalastas sa radyo at telebisyon

Halos lahat ng bahay sa mga lungsod ay mayroong telebisyon o radyo kaya hindi nakapagtatakang karamihan ng mga kandidatong may patalastas ay nakakakuha ng mataas na ratings sa mga survey. May kanya-kanya rin silang pakulo; halimbawa nito ay ang pagsama ng mga sikat na artista o ng mga taong tunay na larawan ng karukhaan.

Motorcade

Lumilibot ang mga nangangampanya sa isang lugar lulan ng isang sasakyang nagaganyakan ng mga palamuti. Lagi silang armado ng ngiting nakapanghahalina na daig pa ang mga modelo ng toothpaste. Naghahagis sila ng mga kendi, pamaypay, t-shirts at kung anu-ano pa. Buhay na buhay silang kumakaway sa lahat ng taong nakikita taglay ang nakapanghahalinang karisma.

Tibag-ayos

Hindi umuusad ang dyip na sinasakyan mo ng kahit isang sentimetro. Nanlilimahid ka na sa sobrang pawis. Palakas ng palakas ang ingay na nagmumula sa kung anong nagngangalit na makina. Ilang minuto na lang ay mahuhuli ka na sa una mong klase. Sa sobrang inis, dumungaw ka sa bintana ng dyip upang tingnan ang dahilan ng iyong kalbaryo. Isang karatula ang tumambad sa iyong harapan na may larawan ng pamilyar na mukha at may nakasulat na:

Ang pansamantalang abala, kapalit ay pangmatagalang ginhawa. Re-widening of the widened Sucat Road. Project of Hon. Mayor Winay Liboon

Tinitibag ang mga kalsada na dati nang ayos at muling aayusin. Kadalasang re-electionist ang gumagawa nito dahil sila ang awtorisadong gumawa ng mga ganoong proyekto at nang sa gayon ay makapagpabango ng pangalan. Nakatutulong ito upang maipakita sa mga tao na may nagawang proyekto ang mga nasa posisyon. Itinataon din ito kung malapit na ang eleksyon upang maging sariwa sa isip ng mga mamamayan ang kabutihang nagawa.

Ilan lamang ang mga nabanggit sa mga teknik na ginagamit ng mga kandidato. Nariyan pa ang political killings, vote-buying, dagdag-bawas at kung anu-ano pa (AWTS!). Ngunit sa bandang huli, nasa mga kamay pa rin natin ang desisyon. Tayo pa rin ang pipili kung sino ang mamumuno at mag-aahon sa atin mula sa kahirapan. Tayo pa rin ang magtatalaga ng mga taong mamumuno sa atin tungo sa kabutihan.

Sana ay hindi maging batayan sa pagboto ang dami ng mga patalastas at kung sino ang mga kasama niyang artista. Sana tayo ay maging mapanuri at mapagmatyag bago tayo dumating sa isang mabigat na desisyon. Nawa ay maging daan ang darating na halalan para sa pag-unlad ng bansang Pilipinas.

tandaan nyo.. vote for WISELY!

No comments:

Post a Comment